17/09/2026
𝗣𝗔𝗛𝗔𝗬𝗔𝗚 𝗡𝗚 𝗨𝗣 𝗣𝗔𝗟𝗔𝗥𝗜𝗦 𝗖𝗢𝗡𝗙𝗥𝗔𝗧𝗘𝗥𝗡𝗜𝗧𝗬 – 𝗟𝗢𝗦 𝗕𝗔𝗡̃𝗢𝗦 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗚𝗔𝗚𝗔𝗡𝗔𝗣 𝗡𝗔 𝗨𝗣𝗟𝗕 𝗪𝗔𝗟𝗞𝗢𝗨𝗧 𝗣𝗥𝗢𝗧𝗘𝗦𝗧
Ang boses ay hindi pasisiil, ang mga mata’y hindi na muling pipikit—buong katatagan at diwang nakikiisa ang UP Palaris Confraternity – Los Baños sa magaganap na UPLB Walkout Protest ngayong Biyernes, Setyembre 18.
Nakikiisa kami sa panawagan para sa pananagutan at wastong paggamit ng pondo ng bayan. Nakikiisa kami sa muling pag-alab ng mga pusong patuloy na tinatangkang patahimikin.
Habang patuloy na nakararanas ng pagbaha ang maraming komunidad, kinakaharap din ng mga pampublikong unibersidad ang kakulangan sa pondo, pasilidad, units, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral. Hindi rito nagtatapos ang katiwaliang paulit-ulit na pinagtatakpan. Ang pondong para sa bayan ay dapat mapunta sa bayan. Hindi lamang imprastraktura ang nakataya rito, kundi ang kaligtasan, edukasyon, at kinabukasan ng mamamayang Pilipino.
Kaya naman nakikiisa kami sa panawagan para sa pananagutan, hustisya, at serbisyong tunay na para sa sambayanan. Dahil ang tao ang bayan, ngayon ay lalaban!